Conqueror112490's Blog

Ako, Ikaw, tayong lahat at ang ating Inang Bayan

Kalayaan ni Inang Bayan: iisang mithiin ng mamamayan

Kalayaan ni Inang Bayan: iisang mithiin ng mamamayan
By Mark Genesis C. Pareja

Isang daan at labing-isang taon na ang nakalilipas matapos lumaya ang ating Inang Bayan mula sa pagkakalingkis niya sa bansang Espanya. Pagkakalingkis na nagdulot ng matinding suliranin hindi lang sa ating bansa kung hindi kasama na rin ang kapwa natin Pilipino. Maraming nawala sa ating bansa noong nasa pagkakagapos tayo ng mga kastila. Nawala ang teritoryo na pinagmamay-ari nating mga Pilipino, sistema ng pamamahala na pinamumunuan ng mga Datu at Sultan, napalitan ang uri ng pamumuhay na meron tayo at nabago ang kultura at tradisyon na pinaniniwalaan ng bawat isa sa atin. Suma tutal, nawala ang kalayaan ni Inang Bayan at ng kanyang mga anak na mamuhay na naaayon sa kanilang mithiin. Naging malaki ang importansya sa kung papaano tingnan ng bawat tao ang kanilang mundong ginagalawan, dahil magsisilbi itong repleksyon ng buhay, pangarap at mithiin na gusto nilang tuparin at abutin sa ikababago ng kanilang hinaharap.

Sa panahon ng pananakop nabuo ang propaganda na pinasimulan ni Dr. Jose Rizal. Ito ay naglalayon na isulong ang mga pagbabago sa lipunan na pinamumunuan ng mga kastila sa isang prosesong sa tingin nila ay pauunlakan ng mga ito. Maging probinsya ng bansang Espanya ang bansang Pilipinas at ang paniniwalang kasabay nito ang pagbabago sa sistema ng pamamalakad sa gobyerno ang kanilang pangunahing mithiin at adhikain. Ngunit nabigo silang makuha ang kanilang mithiin at kasabay nito ang pagbagsak ng propaganda at pagpatay ng mga kastila kay Dr. Jose Rizal. Sa kabila ng mga nangyari, nagpatuloy parin ang naglalagablab na nasyunalismong kaluluwa sa bawat Pilipino. Unti-unting binuo at tinipon ni Gat Andres Bonifacio ang bawat Pilipino at ginawang iisa ang mithiin ng mga mamamayan, at iyon ay walang iba kung hindi ang kalayaan ni Inang Banyan at ng kanyang mga anak sa kamay ng Espanya sa pamamagitan ng malawakang rebolusyon. Walang takot nilang inilaan ang kanilang mga buhay at hinarap ang napakalaking hamon para sa ikabubuti ng nakararami, kaya naman sila at ang iba pang mga bayani ang naging halimbawa at dahilan kung bakit nabuo ang tunay na mithiin at adhikan ng bawat Pilipino, ang kalayaan ng isa’t isa.

Sa pagkakalaya ng Pilipinas sa isang napakahigpit na pagkakalingkis ng mga dayuhan, nakamit ulit ng bawat Pilipino at ni Inang Bayan ang kalayaan at pribelehiyo na minsang ng ipinagkait sa kanila. Ang iba’t ibang karapatan na itinago sa isang kahon at ibinaon sa isang malamim na hukay ay muli nilang kinuha at inari. Tunay ngang makapangyarihan ang ating puso’t damdamin sa kung papaano ihuhulma ang mithiin at adhikain na gusto nating abutin. Napatunayan iyon ng mga naunang henerasyon ng mga Pilipino. Walang makahahadlang sa isang bagay na iyong minimithi kung sama-sama kayong aabutin ito at magkakaisa. Ito ay isa sa mga larawan na iniwan nila sa mga Pilipino. Larawan na hindi kumukupas kailanman.

Ngunit sa kabila ng kalayaan at tagumpay na nakamtan ng bawat Pilipino at sa pagdaloy ng mala-ilog na oras tungo sa kasalukuyan, tila unti-unti na din nating nakakalimutan ang mithiin at adhikain ng mga bayani para kay Inang Bayan. Tila unti-unti na din nating nakakalimutan ang sakripisyo na ginawa ng bawat Pilipino sa ika-giginhawa ng mga susunod pang henerasyon. Nakakalungkot man isipin pero karamihan sa miyembro ng ating henerasyon ay tila walang pakialam at kakikitaan ng kapaguran at kawalang pag-asa sa mga isyu at problemang kanilang kinakaharap ngayon. Henerasyon na inaasahan ng ating mga bayani na aakay kay Inang Bayan tungo sa isang progresibong paglalakbay. Ngunit parang hindi natin nagagampanan ang mithiin at adhikain na ipinasa at ipinaubaya na ng mga naunang henerasyon. Tila si Inang Bayan pa ang namomroblema sa mga problemang dinulot ng kanyang mga anak. Tunay nga bang naging malaya ang bawat Pilipino matapos ang napakatagal nating pagkakalingkis sa mga mananakop? Sa puntong ito, naasan na ang pagbabago na hinahanap ni Inang Bayan. Tayong mga anak, malinaw ba ang ating mithiin at adhikain natin para sa kanya at sa isa’t isa?

Maikukumpara ang karamihan sa atin sa isang nawawalang tupa na hindi malaman ang kanyang gagawin dahil nabigo siyang makita ang kanyang mga kapatid na dulot ng kanyang pagkakaroon ng identidad na hindi niya pinanghahawakan. Nakalimutan nga yata natin na tayo ay isang Pilipio. Ngunit ang Pilipinong sinasabi ko ngayon ay iba sa pagkakaalam natin sa dating mga Pilipino. Tayong mga Pilipino ngayon ay may maling mentalidad na hindi nagawang alisin at lupigin ng mga bayani sa ating isipan dahil sa ating pagiging bulag sa tunay na reyalidad. Ang talangka mentality at ang acute inferiority complex ang ilan lamang sa mga unti-unting lumalamon at nagbabaon sa atin sa isang identidad na hindi natin pag-aari. Sa kabila ng magagandang nangyayari sa ating kapwa, naroroon ang inggit at ang mithiin na siya’y ibagsak at patumbahin. Ang pagbabalat kayo ng mga karamihan sa atin. Maikukumpara sila sa isang payaso na pilit tinatakpan ng makapal ng pulbo ang mukha at nangangarap na maging dayuhan. Muli, nakakalungkot man isipin pero ito ang katotohanan.

Sinasabi ni Dr. Jose Rizal, na ang edukasyon ay ang susi sa magandang kinabukasan. Susi ito sa lahat ng uri ng problema na pwede nating kaharapin. Ako ay matapang na sumasang-ayon sa kanyang sinabi. Ngunit papaano tayo makakawala sa isang edukasyon na akala natin ay nagdadala ng pagkain sa ating kaluluwa pero ito pala ay nagdadala ng lason sa ating katauhan. Hindi natin ito namamalayan pero unti-unti nitong binabago at sinisira ang pagkakahubog ng ating katauhan. Ilang henerasyon na din ang lumipas na merong ganitong uri ng edukasyon. At kahit hanggang ngayon ay nararanasan natin iyon, mas malala at nakamamatay sa ating kaluluwa. Ang edukasyon na ipinapamahagi ni Rizal ay isang edukasyon na kung saan huhubugin nito ang kaluluwa at karakter ng isang Pilipino upang sa gayon maging handa ang bawat-isa sa isang mapusok na mundong kanilang makakasagupa. Pero papaano nga kung ang mga maling libro na nagsasaad ng maling impormasyon ang binabasa at pinag-uukulan ng pansin ng mga guro ang siyang itinuturo sa kanilang mga estudyante. Hindi pa nagiging propesyunal ang mga bata ay taliwas na sa reyalidad ang kanilang pananaw at ginigeyahan na ang kanilang magiging idelohiya dahil sa mga maling impormasyon na nagbunga ng isang nalilitong identidad.

Ang pagkakaroon ng maling mentalidad ng mga Pilipino at ang maling edukasyon na kanilang itinanim sa kanilang puso’t isipan ay nagbunga ng maraming paghihirap kay Inang Bayan. Nalulunod na ang bawat isa sa atin sa isang kumunoy ng kahirapan at katiwalian sa gobyerno. Mga problemang matagal ng ginagamot pero nagpatuloy parin at naging kanser ng lipunan. Nasaan na ang mga propesyunal na inalagaan at pinag-aral ni Inang Bayan sa kanyang sinapupunan? Wala na. Nasa ibang bansa upang magsilbi dahil sa kawalan ng trabaho sa kanilang lupang sinilangan. Nasaan na ang kontribusyon natin bilang isang mamamayang Pilipino? Hihintayin pa ba natin na may magbuwis ng maraming buhay upang matuto lang tayo sa ating pagkakamali? Kailangan pa ba nating hintayin na madapang muli si Inang Bayan bago tayo kumilos tungo sa ating pagbabago? Bakit hindi natin simulang baguhin at bumuong muli ng panibagong mithiin at adhikain hindi lamang sa ikabubuti ng ating mga sarili kung hindi kasama narin ang nakararami at ang ating bansa. Unti-unti nating baguhin ang mga maling kagawian at nakagisnan ng bawat isa sa atin. Gisingin natin ang ating diwa sa matagal na pagkakahimbing mula sa isang madilim na nakaraan at harapin ang tunay na reyalidad. Tingnan ang ating mga sarili sa isang perspektibo na tayo ang tatayo bilang pag-asa ng bansang ito at ng mga mamamayang Pilipino. Ang mga sagot sa aking katanungan ang solusyon sa ating problema. Ang mga puntong nakukuha natin sa karanasan, tamang edukasyon at ang mga pangarap ng bawat-isa ang gamitin natin upang hubugin muli ang ating karakter at kaluluwa na mayroong naglalagablab na nasyunalismong pananaw at adhikain.

Ang bawat Pilipino ay may kapasidad na baguhin ang kanyang buhay at ang buhay ng nakararami sa pamamagitan ng kanyang pananaw, mithiin at adhikain. Muli nating ibalik ang magagandang adhikain ng ating mga bayani para sa ating bansa. Wala man tayong kinakalaban na mga dayuhan sa pagkakataon na ito, masasabi kong kailangan nating bilisan ang pagkilos bago pa man kumalat ang kanser ng lipunan at bago pa nito unti-unting lamunin ang ating Inang Bayan. Gamitin natin ang ating kakayahan, katalinuhan at oras upang maglingkod sa ating bansa. Bansa na nangangailangan ng kalinga na nagmumula sa kanyang mga anak. At walang makapagbibigay noon kung hindi ang mga Pilipino lamang. Hindi dapat tayo panghinaan ng loob at hindi natin dapat tingnan bilang isang negatibong paktor ang bawat pagsubok na ating kinakaharap bagkus gamitin natin ito upang patatagin ang ating kalooban. Hanapin natin ang mga kasagutan sa ating mga katanungan at solusyon sa ating mga problema ng magkakasama at walang pag-aalinlangan. Sa selebrasyon ng kalayaan ng Pilipinas, muli nating buhayin at panatilihin ang nag-aapoy na adhikaing pambansa at pangnakararami. Sabay-sabay muli nating lusungin ang malakas na agos ng buhay habang magkahawak kamay at may iisang mithiin tungo sa isang progresibong Pilipinas at Pilipino. Sabay-sabay nating liparin ang mapayapang bughaw na langit ni Inang Bayan, pakislapin ang mga tala ng ating mithiin at araw ng ating mga pangarap. Kikintab muli ang perlas ng silangan sa muling pagbangon ng ating bayan. Mabuhay ang Pilipinas!
“Avoid people, who belittle your ambition, midget people always do that. But the really great makes you feel that you too can be great. ” -Dr. Jose P. Rizal

“Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin y tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.
Kaya, O mga kababayan, ating idila ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayan tinubuan.” -Gat Andres Bonifacio
“Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”

June 16, 2009 - Posted by | Uncategorized

4 Comments »

  1. We are at our own mercy, aside from the almighty.

    Comment by haliyup | June 17, 2009 | Reply

  2. ang masasabi ko lang sa ginawang sulatin ng awtor ukol sa pagkamit ng kalayaan ni Inang Bayan sa mga nakalipas na panahon ay napaka-detalyado at napaka-informatib. Nasabi niya lahat ng punto niya na nagpapakita ng daloy kung papaano natin nakamit ang ating kalayaan dahil sa ating mga kinilalang bayani. Ngunit pinakita din niya ang mga naging dahilan kung bakit tayo ay naging mga palaasa at hango nga sa sinabi ni Rizal na tayo ay naging tamad sanhi na rin sa mga impluwensya ng mga dayuhang sumakop sa atin. Sana ay mamulat na tayo dahil binabalewala na natin ang mga pinaghirapan ng kinikilala nating mga bayani. Hindi na natin nabibigyan ng importansya ang mga dakila nilang nagawa para sa Inang Bayan. Sana ay maisip natin na hindi tayo magiging liberal gaya ng natatamasa natin ngayon kung hindi sila nagkaroon ng lakas ng loob upang ipaglaban ang ating mga karapatan bilang mamamayan ng bansang Pilipinas.

    Comment by Citigov A59 Group 1 | June 17, 2009 | Reply

  3. Sa tingin ko ang unang paraan para mapatibay ang pagmamahal ng kasalukuyang henerasyon sa bayan. Kinakailangan munang maintindihan ng tao ang kanyang nakaraan, Ito ay makakatulong upang malaman niya ang mga pagkakamali na di na dapat ulitin at mga “values” na dapat nang ibalik. Sa kasamaang palad ang kasaysayan ng Pilipinas ngayon ay kadalasang nasulat ng mga banyagang awtor at kung Pilipino man ay impluwensiyado din ng mga dayuhang pilosopiya, Yan tuloy marami sa atin ang nabibigyan ng mali o di sapat na impormasyon. Hangga’t ito ay nagpapatuloy mawawalan ng pag-asa ang ating bansa na makamtan ang tunay na kalayaan.

    Comment by Cyril | June 18, 2009 | Reply

  4. Magaling ang pagkakasulat ng blog na’to. Malalim ang pinaghugutan ng mga argumento. Nakikita na nauunawaan nung sumulat ang kasatsayan ng Pilipinas, pati ang mga sakit ng lipunang Pilipino. Karamihan sa mga argumento ay sinususugan ng kasaysayan.

    Pero parang napakahirap na maganap ang nasusulat dito…
    Kailangan kasi ng tahasan at malawakang pagbabago sa isip ng Pilipino para mangyari ‘to… parang Cultural Revolution ba.

    At isa pa… Hangga’t kinokontrol ng mga mayayamang kapitalista at ng mga tuta nila ang edukasyon sa bansang ito e imposible ang pinapangarap mo kapatid… Dapat ang masa ang gumagawa ng sarili nilang kaalaman dahil sila ang may pinakamalaking pangangailangan dito..

    Comment by binay _fernando | June 19, 2009 | Reply


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: